Wednesday, August 11, 2010

Ang SONA ni PNoy

Ika-26 ng Hulyo 2010, Lunes, naganap ang kauna-unahang SONA (State of the Nation Address) ni Pangulong Enigno Simeon Cojuangco Aquino III. Marami ang nag-abang upang mapanuod at marinig ang SONA ng ating bagong Pangulo. At isa ako sa mga sumubaybay nito. Sa naganap na SONA ni Pangulong Aquino, dito niya inilahad ng tahasan ang napakaraming katiwalian sa nakaraang administrasyon ni dating Pangulong Arroyo.


Sa nilalaman ng SONA ni Pangulong Aquino ay sinabi niyang lalabanan nito ang anumang katiwalian at pipigilan ang anumang korapsyon sa ating administrasyon. Tiniyak niyang hindi mapupunta sa kamay nino man ang pera na galing sa kaban ng ating bayan. At siniguro niyang mapupunta ang lahat ng ito sa anumang mga proyekto. Sa ngayon, patuloy pa din ang pag-iimbistiga sa mga kasangkot sa naganap na katiwalian. Kapag tuluyang naipakulong ang mga may kinalaman sa naganap na katiwalian, malamang ay di na daw ito tutuluran dahil magkakaroon na ng takot na gumawa ng kalokohan ang mga nasa posisyon. Umaasa ang mga Pilipino na mananagot ang mga magnanakaw sa nakalipas na administrasyon.


Ang SONA ni Pangulong Aquino ay nakatuon mismo sa pangkasalukuyang estado ng ating bansa. Dito ay malinaw niyang inilahad at sinabi kung magkano ang bawat gastos ng ating bayan para sa mga istruktura, proyekto at para na rin sa mga taong mas lalong nangangailangan nito. Ngunit dito rin niya inilahad ang lahat ng pangungurakot ng mga pulitiko at ng mga opisyales na nasa kasalukuyan at nakaraang posisyon na naging kahiya-hiya naman para sa mga tinamaan nito.


Ang kanyang simple at makahulugang SONA ay nagbigay pag-asa sa ating mga Pilipino upang magbalik tiwala muli sa ating bagong administrasyon. Magkaisa sana tayong mga Pilipino sa pagtulong sa pagpapabuti ng ating mahal na bayan. Pumalakpak ako ng sinabi ni Pangulong Aquino na “Ang pera ng taumbayan ay gagastusin para sa taumbayan.” Kung ibang presidente ang nagsabi nito, iisipin kong pambobola lamang ito ng isang pulitiko. Lalo kung sa Ingles ito sinabi. Pero dahil si PNoy ang nagsabi nito sa sarili nating wika, naging buo ang aking paniniwala na magkakaruon ng pagbabago at kapayapaan sa ating bansa.